Abogado, 3 pa naaktuhang nagdo-droga

MANILA, Philippines — Isang abogado at tatlo nitong kasama ang naaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa aktong  nagpa-pot session o gumagamit ng ipinag­babawal na gamot sa isang tahanan sa Quezon City, ka­makalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Chief. Supt. Guillermo Eleazar ang mga suspek na sina Atty. Arnel Torres, 48, ng Brgy.Karanga­lan Village, Pasig City; Raymond Rosales, 29; Magdaleno Talabera, 71, retired BIR employee at Noel Lumagbas, 41.

Ayon kay P/Supt. Christian dela Cruz, hepe ng QCPD Station 10, dakong alas-10:30 ng gabi noong madakip nila ang mga suspek sa isang tahanan sa Dahlia St., corner Agham Road, Brgy. Central, Quezon City.

Nabatid kay Dela Cruz na isang concern citizen’s ang nag­bigay ng impormasyon sa kanila hinggil sa ‘nagaganap umanong pot session ng apat.

Agad na bumuo ng 11-man team mula sa station 10 si Dela Cruz at isinagawa ang pagsalakay.

Pagdating sa lugar ay nakumpirma ang sumbong kaya pinalibutan ng 11-pulis ang nasabing tahanan.  Nabulaga naman ang abogado at tatlo nitong kasama noong sala­kayin sila ng mga awtoridad.

Narekober mula sa mga suspek ang pitong ebidensiya na kinabibilangan ng tatlong sachet ng hinihinalang shabu, 5 aluminum foil, glass pipe tooter, playing card  at mga drug paraphernalia.

Sa panig naman ni Atty Torres, itinanggi nito na sila ay nagpa-pot session sa halip ay nagsusugal lamang umano sila nang isagawa ang pagsalakay.

Nahaharap ngayon ang apat sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Show comments