MRT-3, muling namerwisyo sa huling araw ng 2017

MANILA, Philippines — Hanggang sa huling araw ng 2017 ay namerwisyo ang MRT-3 sa kanilang mga mananakay makaraang ihinto ang biyahe kahapon ng umaga.

Walang magawa ang mga pasahero kundi mainis at magkamot ng ulo at maghanap na lamang ng alternatibong masasakyan patungo sa kani-kanilang destinasyon dahil sa tigil-biyahe ng MRT-3.

Sa entrance gate pa lamang sa North Avenue ay inanunsyo at hinarang na ng mga guwardiya ng MRT-3 ang mga pasahero at sinabing wala  munang biyahe sa mag-kabilang linya dahil sa panibagong technical problem.

Nabatid na dakong alas-6:54 ng umaga nang ipinatupad ang tigil biyahe pero makalipas ang mahigit isang oras o  alas-7:59 ng umaga ay muling nagbalik sa normal ang operasyon ng MRT-3.

Ayon kay MRT-3 media relations officer Aly Narvaez, nagkaroon ng problema sa signaling system sa isang bagon sa gitna ng riles kaya itinigil ang biyahe.

Agad na humingi ng paumanhin ang pamunuan ng MRT-3 sa mga naapektuhang pasahero.

Ang MRT-3 ay bumibiyahe sa kahabaan ng Edsa mula sa North Avenue, Quezon City patungo ng Taft Avenue, Pasay City at vice versa.

Show comments