Bebot, 1 pa sa ‘condo sale scam’, nadakma

MANILA, Philippines — Timbog ang isang babae at kasabwat nito na pinaniniwalaang mga miyembro ng sindikato na nagbebenta ng condominium na hindi niya pag-aari, sa isinagawang entrapment operation ng Manila Police District-Station 4  sa Sampaloc, Maynila.

Kinilala ang mga naarestong sina Catherine Cipriano, 46 , residente ng Zapote St., Sampa­loc, Maynila at kasabwat na si Antonio Soriano, 46, residente ng  Block 5, Lot 14, Villa Tanza,  Subdivision, Biga, Tanza, Cavite.

Sa imbestigasyon ni PO1 Danilo Kabigting, ng Station Investigation and Detective Management Branch, ikinasa ang entrapment operation laban kay Cipriano nitong Disyembre 6, 2017 sa Gilids Restaurant na matatagpuan sa P. Campa St., Sampaloc, ng mga tauhan ng MPD-Station 4- Intelligence Unit na nagresulta sa  pagkakadakip sa mga ito.

Una rito, idinulog  sa nasabing presinto ng isang negosyante na nagpatago sa pangalang Mon ang reklamo laban kay Cipriano na nagbebenta sa kaniya ng condominium unit na kaniyang inookupahan sa Tolentino St., Sampaloc.

Nag-text sa kaniya si Cipriano at nagpakilala na siya ang may-ari ng unit at kailangan niya ng malaking halaga. Inalok umano sa kaniya ang titulo at iba pang dokumento sa halagang P1.6 milyon.

Nang magtanong sa building administrator, nadiskubre ng complainant na hindi si Cipriano ang may-ari ng condominium unit. Nagulat pa ang complainant nang malaman sa kaniyang kasosyo sa negosyo na nabiktima rin sila ni Cipriano at parehong modus, natangayan sila ng P.5 milyon partial payment sa ibinentang condo unit.

Nang maihanda na ang marked money ay nakipagkita na ang complainant kay Cipriano sa nasabing restaurant at habang nakaposisyon na ang mga operatiba, nakita nila ang pagdating ng babaeng suspek sakay ng kaniyang kotse at may kasamang lalaki, na nakilalang si Soriano.

Dumiretso ang mga suspek sa mesa kung saan naghihintay ang complainant at sa puntong ibinigay na ang marked money ay lumapit na ang mga pulis upang arestuhin sila.

Sinabi pa ni PO1 Kabigting na bukod sa reklamo ni Mon, nakakuha pa sila ng kopya ng nakabinbing warrant of arrest laban kay Cipriano sa kasong Estafa.

Kinumpiska rin mula kay Cipriano ang sasak­yan niya, mga dokumento at titulo ng condominium  na pinaniniwalaang mga  peke, bank checkbooks at automated teller machine (ATM) card na gagamiting ebidensya laban sa suspek.

Show comments