MANILA, Philippines — Walang namo-monitor na terror threat ang National Capital Region Police Office (NCRPO) kaugnay ng paggunita sa UNDAS sa susunod na linggo.
Ito ang inihayag ni NCRPO Chief P/Director Oscar Alba-yalde na sinabing 5,300 pulis ang nakatakda nilang ideploy upang magbigay seguridad sa publiko partikular na sa iba’t ibang sementeryo sa Metro Manila.
Sinabi ni Albayalde na uumpisahan nila ang deployment sa Linggo at ang full deployment ay isasagawa naman sa Lunes ( Oktubre 30).
Inihayag ng opisyal na bukod dito ay may 1,900 mga brgy. tanod at mga sibilyang volunteers na magsisilbing force multipliers ng pulisya.
Si Albayalde at Quezon City Police District Director P/Chief Supt. Guillermo Eleazar ay nagsagawa ng pag-iinspeksyon sa mga bus terminals, malls at LRT stations sa Cubao, Quezon City.
Inihayag ni Albayalde na sa kabila ng pagkakaaresto sa financier ng Maute-ISIS na si Rasdy Malawani sa Quezon City nitong Huwebes ay wala silang namo-monitor na terror threat sa UNDAS na matapos ang okasyon ay ikakasa naman ang seguridad sa nalalapit na ASEAN Summit sa darating na Nobyembre.
“ We are on top of the situation and we have not monitored any potential terror threats that could disrupt the All Saint’s Day and our preparation for the ASEAN Summit this November,” ani Albayalde.
Inihayag ni Albayalde na wala rin silang namo-monitor na terror cells ng ISIS o anumang grupo ng mga terorista sa Metro Manila.
Sa kabila nito, sinabi ni Albayalde na nakaalerto ang NCRPO upang hindi makapagsamantala ang masasamang elemento at nanawagan rin sa mga sibilyan na maging vigilante at maging mapagmatyag sa lahat ng oras.