Manyakis naaktuhang gumagawa ng kalaswaan sa jeep

MANILA, Philippines – Viral ngayon ang video ng isang lalaki matapos maaktuhan na gumagawa ng kalaswaan sa loob ng jeep sa Maynila Martes ng gabi.

Sa Facebook post ni Cha Vinuya, makikita ang video ng isang hindi pa natutukoy na lalaki na walang tigil ang paggalaw ng kamay habang katabi ang biktima.

Ayon kay Vinuya, nangyari ang kalaswaan noong sumakay siya ng jeep mula Manila City Hall papuntang Tayuman dakong alas-siyete ng gabi.

Sa video na kuha mismo ng biktima, kitang-kita ang mukha ng lalaki na panay ang tingin sa katabing si Vinuya habang patuloy ang paggalaw ng kanyang kamay.

BASAHIN: Biktima ng pambabastos sa bus, umani ng kritisismo

“Nakakapanghina, di ko alam gagawin ko. Papara na sana ko. Gusto kong sumigaw pero tinitigan nya ko binulungan nya ko ‘Dito ka lang. Dito kalang’ tapos may kinakapa sa tagiliran nya. Nanlilisik mata niya. Hindi ako makapagsalita. Nanginginig buong katawan ko sa takot,” kwento ni Vinuya.

Ayon kay Vinuya, wala itong nagawa dahil sa takot na baka saksakin umano siya ng lalaki.

Nito lamang ay isang babae rin na biktima ng kalaswaan sa pampublikong sasakyan ang binatikos dahil sa pagbabahagi ng kaniyang naranasan.

Show comments