Magkasintahan, 2 pa tinodas sa Navotas

MANILA, Philippines -  Isang magkasintahan ang pinagbabaril at napatay ng mga riding in tandem sa patuloy na hindi maampat na karahasan sa lungsod ng Navotas, kahapon ng mada-ling araw.

Nakilala ang mga nasawi na sina John Mark Ba­nares, 25, at si Liezel Llimit, 16, kapwa naninirahan sa Brgy. Bangkulasi, ng naturang lungsod.

Sa ulat, dakong alas-2 ng madaling araw nang pumailanlang ang sunud-sunod na putok ng baril sa naturang lugar.  Ayon sa mga kapitbahay, apat na lalaki na lulan ng dalawang motorsiklo ang nakitang umalis palayo sa lugar habang natagpuan ang wala nang buhay na mga biktima sa loob ng tinutuluyan nilang bahay.

Ayon kay brgy. ex-officio Ruel Managio, tatlong plastic sachet na may lamang hinihinalang shabu ang nakuha sa mga bangkay, isang pen gun at siyam na basyo ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

 Samantala, dalawa pang lalaki ang pinaslang rin ng mga nakamotorsiklong salarin.  Nakilala ang mga nasawi na sina Ace John Atok, 20, ng Barangay Tumana; at si Archie Quitco, 38, ng Ylang-Ylang Street, Brgy. North Bay Boulevard South.

Nabatid na alas-3 ng madaling araw nang pasukin ng isang salarin ang bahay ni Atok at barilin siya habang nagsilbing look-out ang dalawa pang salarin.  Nabatid na may record sa iligal na droga ang biktima at dati nang sumuko sa kanilang barangay sa ilalim ng ‘‘Oplan Tokhang’’.

Nauna rito ala-1 ng madaling araw nang kaladkarin palabas ng kanyang bahay si Quitco ng mga naka-bonnet na salarin.  Ayon sa ina ng biktima, humahangos na pumasok sa kanilang bahay ang anak at humingi ng saklolo ngunit dalawang lalaki ang humablot sa kanya at kinaladkad palabas ng bahay. Sa labas ng bahay pinagbabaril ng mga salarin si Quitco sa harap ng kanyang ina na sumunod sa labas ng bahay upang pakiusapan ang mga lalaking armado na pakawalan ang kanyang anak.

Show comments