Rosaryo, iba pang burloloy bawal sa dashboard-LTFRB

MANILA, Philippines - Kasabay ng pagpapatupad ng Anti-Distracted Dri-ving Act, mariing nagpaalala ang ahensya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga motorista na hindi lamang electronic gadgets ang kanilang ipinagbabawal na nakahambalang sa kanilang “line of sight”, kundi maging ang mga rosaryo, maliliit na figurines, trinkets, at iba pa.

Ayon kay Atty. Aileen Lizada, board member at spokesperson ng LTFRB, bi­nigyan ng ahensya ang lahat ng may-ari ng public at private vehicles ng hanggang May 26 para tanggalin ang mga bagay sa kanilang dashboard o windshield na maaaring makaistorbo sa “line of sight” ng nagmamaneho.

Sabi ni Lizada, sa ope­rasyon ay hindi muna mag-iisyu ng traffic violation tic­kets ang LTFRB personnel, maging ang mga tauhan ng Land Transportation Office, Metropolitan Manila Development Authority at Philippine National Police-Highway Patrol Group hanggang sa susunod na Biyer­nes upang mabigyan ng pagkakataon anya ang mga vehicle owners na tumalima sa naturang kautusan.

Ginawa ni Lizada ang paglilinaw dalawang araw matapos ang implementasyon ng Anti-Distracted Dri-ving Act kung saan marami sa mga motorista ang nalilito partikular na sa mga bagay na dapat alisin sa dashboard o windshield kung nakaka­istorbo ito sa line of sight ng driver.

Pero nilinaw ni Lizada na ang pagbabawal sa paglalagay ng rosaryo, at iba pang maliit na figurines sa dashboard o windshield ay wala sa ilalim ng Anti-Distracted Driving Act kundi, nakapalo-ob  ito sa Joint Administrative Order No. 2014-01 na inilabas ng LTFRB at LTO, tatlong taon na ang nakalilipas.

Gayunman, ayon pa kay Lizada, simula sa May 26, lahat ng mahuhuling lalabag sa naturang Joint Administrative Order ay pagmumultahin ng P5,000.

Isang memorandum circu­lar ang nakatakda ilabas ng ahensya ukol sa naturang isyu.

Samantala, kinontra naman ni George San Mateo, Sec Gen. ng Piston, ang natu­rang pagbabawal dahil ang Rosaryo anya ay nagsisilbing proteksyon ng maraming motorista sa kalye.

Show comments