2 helper sugatan sa ligaw na bala

MANILA, Philippines - Sugatan ang dalawang helper nang tamaan ng ligaw na bala habang sakay ng tricycle sa Port Area, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang mga biktimang sina Billy Boy Queremit, 23, at Andrew Curado, 19, kapwa hel-per sa Divisoria market, at residente ng Baseco Compound, Port Area, Manila.

Sa ulat ni P/Supt. Emerey Abating, hepe ng Manila Police District-Station 5, nabatid na dakong alas-10:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa harapan ng Baseco Health Center, sa Baseco Compound.

Papasok sa trabaho ang dalawa na sakay ng tricycle nang makarinig sila ng mga putok ng baril at hindi umano akalain na sila ang tinamaan.

Sa halip na sa Divisoria, sa ospital na sila inihatid ng tricycle driver.

Inaalam naman kung sino ang responsable sa pagpapaputok ng baril o sadyang nais barilin ang dalawa.

 

Show comments