Babaeng call center agent, hinoldap ng 2 armado

MANILA, Philippines -  Isa na namang babaeng call center agent ang hinoldap ng dalawang kilabot na holdaper habang ito ay nakasakay sa isang pampasaherong jeep kamaka­lawa ng gabi sa Makati City.

Halos ma-trauma ang biktimang si Ronalyn Charcon, 33, ng Brgy.  Olympia ng nasabing lungsod  nang magtungo ito sa tanggapan ng Makati City Police.

Sa pahayag ng biktima, naganap ang insidente alas-9:00 ng gabi, nakasakay siya ng isang pampasaherong jeep na may biyaheng Buendia at Pasong Tamo ng naturang siyudad papauwi ng kanilang bahay.

Sumakay ang dalawang lalaki at tumabi sa biktima kung saan pinagitnaan ito ng mga suspect.

Dito ay tinutukan ang biktima at nagdeklara ng holdap ang  mga suspect.

Nilimas ng mga holdaper ang mga gamit ng biktima tulad ng Samsung na cellphone, na nagkakahalaga ng P21,000.00 at cash na P1,800.00.

Matapos makuha ang pera ang gamit ng biktima ay bumaba ng jeep ang mga suspect at tuluyang nagsitakas.

Matapos ang panghoholdap ay nagtungo ang biktima sa himpilan ng pulisya upang ireklamo ang ginawang panghoholdap sa kanya.

Noong nakaraang taon, isang call center agent ang hinoldap at pinatay sa naturang lungsod at nitong huli ay hinoldap din at pinatay ang isa pang babaeng call center agent sa Guadalupe Bridge sakop ng Mandaluyong City.  

Show comments