MANILA, Philippines - Narekober na ng Que-zon City Police District (QCPD) sa bayan ng Sariaya sa Quezon ang Hummer jeep na sangkot sa insidente ng hit-and-run na ikinasawi ng dalawang motorista noong nakaraang Linggo.
Ayon kay QCPD Director P/Chief Supt. Guillermo Eleazar, ang Hummer ay narekober dakong alas-4:40 kamakalawa ng hapon ng mga tropa ng District Traffic Enforcement Unit (DTEU) sa Sitio Manalo, Brgy. Lutucan Bata, Sariaya Quezon.
Ang nasabing sasakyan ay minamaneho ng suspek na si Alvin San Pablo, 32, ang gagamiting ibidensya sa isasampang kaso laban dito bunga ng pagkakasangkot sa insidente ng hit-and-run.
Base sa impormasyon, ang sasakyan ay dinala ni San Pablo sa bahay ng kanyang business partner upang itago ang kinasasangkutan nitong insidente noong Feb. 10, 2017.
Matatandaang nagtago si San Pablo makaraang salpukin nito ang mga motoristang sina Felix Marvin Bose, 25, driver ng Suzuki Raider motorcycle (BD-57433); at Lowell Gonzalgo, 25, ang angkas ng una. Kapwa nasawi sa ospital ang dalawa.
Inamin ni San Pablo na nagawa niyang magtago dala na rin ng takot at kalituhan sa pangyayari. Siya ay ipinagharap ng DTEU ng kasong reckless imprudence resulting in damage to property with multiple homicide Ayon pa kay Eleazar, sa kasalukuyan nasa pangangalaga na ng DTEU office sa Camp Crame ang nasabing sasakyan.