MANILA, Philippines - Nasawi ang magpinsan na paslit at sugatan naman ang isa pang anim na taong gulang na batang lalaki matapos ma-trap ang mga ito sa nasusunog nilang bahay, kahapon ng hapon sa Makati City.
Sa unang palapag na natagpuan na magkayakap ang mga sunog na labi ng magpinsan na may edad na 6 at 8 na parehong lalaki.(hindi na binanggit ang mga pangalan).
Habang agad naman isinugod sa Ospital ng Makati ang biktimang si Mark Kevin Agnote, 6, nang malapnos ang kanyang mukha at katawan.
Ayon sa report ni Makati City Fire Marshal Supt. Roderick Aguto, alas-4:00 ng hapon nang magsimula ang sunog sa unang pala-pag ng bahay ng isang nag-ngangalang Rosalie Agnote sa panulukan ng Del Pilar at Malvar Sts., Brgy Rizal ng nasabing lungsod.
Nabatid kay Aguto, kasalukuyan ang mga biktima ay nasa loob ng kanilang bahay na may tatlong palapag ng makarinig ng malakas na pagsabog ang mga residente sa nasabing lugar.
Mabilis ang paglaki ng apoy at agad itinaas sa ika-lawang alarma.
Dahil sa mabilis ang pagresponde ng mga kagawad ng pamatay sunog ay agad naman naapula ang apoy.
Dakong alas-5:08 ng hapon ng ideklarang fire-out ang nasabing sunog.
Matapos magsagawa ng mapping operation ang mga bumbero ay natagpuan ang mag-pinsan sa unang palapag ng kanilang bahay na magkayakap pa.