Salvage victim itinapon

MANILA, Philippines – Isang bangkay ng lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution ang natagpuang may mga saksak, nakabalot ang ulo at nakagapos ang dalawang mga kamay ng packaging tape matapos itapon ng isang van sa Brgy. Pasong Putik, Novaliches, Quezon City kahapon ng umaga.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Elmer Balleras, inilarawan ang biktima  na nasa pagitan ng edad na 40-45, may taas na 5’6, payat, nakasuot ng kulay gray na short pants at may mga tattoo na “Sabado Jhon-Jon” at iba pa sa kanyang katawan.

Ayon kay Balleras, ang biktima ay natagpuan ng isang mangangalakal sa kahabaan ng Mindanao Ave­nue Extension malapit sa kanto ng Balfast Avenue, ng naturang barangay, dakong alas 4:25 ng madaling araw.

Kuwento ng saksi, bago ang insidente, naglalakad umano siya sa naturang lugar nang mapuna ang dalawang lalaki sakay ng isang kulay itim na van at itinapon ang biktima sa lugar.

Matapos nito, nagmamadali umano ang dalawang lalaki na sumakay ng van saka umalis ito sa lugar. Agad na tinignan ng testigo ang itinapon ng mga suspek kung saan niya nakita ang walang buhay na katawan ng biktima na nasabing kalagayan.

Ang insidente ay agad na ipinabatid ng saksi Tactical Motorcycle Riders (TMR) ng Police Station 5, ng QCPD at ipinabatid sa Criminal Investigation and Detection Unit para sa pagsisiyasat.

Narekober mula sa kaliwang bulsa ng short pants ng biktima ang limang piraso ng sachet ng shabu, at nagtamo rin ito ng mga tama ng tusok sa iba’t-ibang parte ng kanyang katawan.

Show comments