LTO at LTFRB nakakalat na ngayong Undas

Nagsimula nang maranasan kahapon ang pagsisikip ng trapiko sa mga toll plaza sa North Luzon Expressway makaraang dumagsa na ang mga bibiyahe nating mga kababayan na magsisiuwi sa kanilang mga lalawigan ngayong Undas.
Boy Santos

MANILA, Philippines – Nakakalat na rin ang mga elemento ng Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga itinalagang lugar para sa pagkakaloob ng ayuda sa mga uuwi sa kani-kanilang mga probinsiya ngayong Undas.

Nakaposisyon na ang mga ito sa lahat ng entry points sa NLEX at SLEX gayundin din sa SCTEX at iba pang lalawigan sa bansa para alalayan ang mga motorista.

Round the clock naman ang iba pang elemento ng LTO at mga tauhan ng LTFRB sa mga bus terminals  sa pag-iinspeksyon sa mga pampasaherong bus na bibiyahe sa mga lansangan para matiyak na ligtas ang publiko sa pagtungo sa kani-kanilang destinasyon.

Mayroon din silang naitalagang help desk sa mga terminal upang mahingan ng tulong ng mga mananakay sa oras ng pangangailangan.

Tiniyak din ng LTFRB na hindi kukulangin sa mga pampasaherong bus ang dagsa ng mga pasahero ngayong Undas dahil sa naibigay na special permits sa mga Metro Manila buses para makabiyahe sa mga probinsiya ngayong okasyon.

Mahigit 70 special permits ang naipagkaloob ng LTFRB sa mga passenger bus na valid mula kahapon October 29  at magtatagal ang permit hanggang sa November 3 para naman maghatid sa mga pabalik ng Metro Manila makaraan ang Undas.

Show comments