Pamilya ng nag-suicide na HPG, binanatan si PAO chief Acosta

MANILA, Philippines – Naglabas ng sama ng loob  ang pamilya ng nag-suicide na si PO3 Jeremiah De Villa, miyembro ng Highway Patrol Group na nakapatay sa isang motorista dahil sa umano’y hindi patas na mga pahayag ni Public Attorneys Chief Percida Acosta.

Naglabas ng statement ang pamilya de Villa na binasa ng kanilang abugado na si Atty. Maritoni Ressureccion pagka­tapos ng idinaos na pagdinig sa DOJ kanina.

Si De Villa ay sinasabing tumalon mula sa ikatlong palapag ng gusali sa loob ng Camp Crame noong nakalipas na Sabado. 

Sa statement ng kanyang pamilya, sinabi nila na naniniwala si de Villa sa fact-finding system ng gobyerno kaya nga siya nagpasailalim dito sa hurisdiksyon ng PNP, NBI, Napolcom at DOJ kaugnay ng pagkamatay ni John Dela Riarte na nabaril habang siya ay sakay ng police mobile nuong Hulyo.

Pero hindi umano handa si de Villa sa pag-atake ng PAO na tinawag nilang public persecution.

Nang dahil umano sa ires­ponsableng pahayag ni Acosta sa media, nakaramdam ng pag­ka­­pahiya at panliliit si de Villa, pati na ang kanyang pa­milya at ang institusyon na kanyang kinabibilangan.

Kaugnay nito, humihiling ang pamilya de Villa ng imbes­tigasyon sa umano’y pagmamalabis ng PAO na dapat daw sana ay tumatalima sa tung­kulin nito na maging peacemaker at umakto nang may in­tegridad at patas.

Samantala, dumalo sa pag­dinig kanina ang isa pang respondent na si PO2 Jovie Manon-og.

Sa nasabing pagdinig, nagsumite ng manifestation ang abugado ng mga respondent at hiniling na ibasura na ang reklamo laban kay de Villa dahil siya ay pumanaw na.

Naghain naman ang PAO ng 14-pahinang reply kung saan kanilang iginiit na may batayan para iakyat sa korte ang reklamong murder laban kay Manon-og.

Binigyan naman ni Assistant State Prosecutor George Yarte Jr. ang kampo ni Manon-og para magsumite ng rejoinder hanggang September 9.

Bilang tugon naman sa himutok ng Pamilya De Villa, sinabi ni Acosta na wala siyang binanggit na iresponsableng pahayag at ibinatay lamang niya ang kanyang statement sa lumabas na reports mula sa NBI at sa sariling forensic report ng PAO na nagsasabing higit sa dalawang tama ng bala ang tinamo ni Dela Riarte at ito ay indikasyon na siya ay sinadyang patayin habang sakay ng police mobile.

Show comments