Aberya sa MRT: 2 nagsuntukan

Doble ang inihaba ng pila ng mga pasahero na nag-uunahang makasakay sa MRT kahapon ng umaga makaraang hindi agad ito nakabiyahe matapos na magkaaberya. Maraming pasahero ang uminit ang ulo  na dito naitala pa ang pagsusuntukan ng dala­wang nainip na pasahero ng tren.  Kuha ni Michael Varcas

MANILA, Philippines – Dala marahil ng init ng ulo matapos na muling mag­ka-aberya ang Metro Rail Transit (MRT) at itigil ang ope­­rasyon nito, kahapon ng umaga, dalawang lalaking­ mananakay nito ang nagsuntukan matapos na magkagirian sa pagsakay ng pam­pasaherong bus sa lung­­sod Quezon.

Ayon sa ulat, nagmistulang boxing ring na pinapanood ng maraming disma­yadong commuters ng MRT ang pagsusuntukan ng dalawang lalaki bunga ng palitan ng mga ito ng mga sipa at suntok sa gitna ng kalye ng North Avenue, Edsa Quezon City.

Gayunman, agad namang­ naawat ng mga nagmamandong miyembro ng Metro Manila Development Autho­rity (MMDA) enforcer ang na­sabing mga lalaki saka sila kapwa pinayapa suma­kay ng pampasaherong bus, pa­­tungo sa kanilang destinasyon.

Sinasabing nag-ugat ang suntukan ng dalawang la­laki nang magkagitgitan ang mga ito sa pagsakay sa isang pampasaherong bus sa nasabing lugar, matapos na itigil ang operasyon ng MRT-3.

Ang nasabing mga lalaki ay kabilang sa daang commuters ng MRT-3 na nadismaya sa nasabing pagtigil ng operasyon nito at nag­pas­yang sumakay na lang ng pampasaherong bus para ma­karating sa kanilang pupuntahan.

Dahil sa dami ng mga taong gustong sumakay ng bus, nagkasagian ang dalawang lalaki nang mag-una­han sa pagsakay ang mga ito sa isang bus hanggang sa magkasagutan at mauwi ito sa hamunan ng suntukan.

Base sa ulat, muling tu­migil ang operasyon ng MRT-3 matapos na magka-aberya ito dahil sa umano’y technical problems.

Dahil dito, napilitang sumakay na lang ng bus ang daang pasahero nito sanhi para maipon ang mga ito sa Edsa sa paghihintay ng ma­­sasakyang bus. Ganap na alas-7:10 ng umaga nang muling bumalik sa operas­yon ang nasabing tren.

Show comments