Jailguard utas sa tandem

MANILA, Philippines – Patay ang isang ba-gitong tauhan ng Bureau of Jail Manage­ment and Penology (BJMP) nang tambangan at pagbaba-rilin ng riding-in-tandem sa Caloocan City Miyerkules ng gabi.

Nakilala ang nasawi na si Jail Officer 1 Marwan Christopher Arafat, 27, binata, at huling nanirahan sa kanto ng Talimusak at Tanigue Street, Dagat-Dagatan, naturang lungsod. Nakatalaga ang biktima sa Caloocan City Jail.

Tinamaan naman sa kaliwang balikat ng ligaw na bala ang 76-anyos na si Enerejo Silorico, balo, residente ng No. 155 Libis Espina St., Brgy. 18, naturang lungsod.

Tumakas naman patungo sa direksyon ng  Malabon City ang dalawang salarin lulan ng isang itim na Yamaha Mio na hindi nakuha ang plaka.

Sa ulat, binabagtas ni Arafat lulan ng kanyang motorsiklo ang Tamban Street sa Brgy. 18 dakong alas-6:25 ng gabi nang biglang dikitan ng isa pang motorsiklo lulan ang mga salarin at agad na barilin ito.

Nang bumagsak ang biktima, muling pinagbabaril si Arafat saka mabilis na tumakas.

Rumesponde naman ang mga tauhan ng Police Community Precinct 2 ngunit bigo na masakote ang mga salarin.

Hinihinala naman na may kaugnayan sa kanyang trabaho sa loob ng bilangguan ang motibo ng pa-mamaslang.

Show comments