Milk tea store hinoldap

Alcuin Lai/CC BY-SA

MANILA, Philippines – Natangay ang mag­hapong kinita ng isang milk tea store na ilang metro ang layo sa Caloocan City Police Headquarters makaraang holdapin ng nag-iisang salarin na armado ng patalim, Sabado ng hapon.

Dakong ala-1:30 ng hapon nang dumulog sa Caloocan Police si Jessica Calalang, 25, sales representative ng Jolly Tea Bucks (Milk Tea) sa may no. 105-B Bgy. 73 at humingi ng saklolo makaraang holdapin siya ng nag-iisang salarin.

Ayon kay Calalang, nagpanggap ng kustomer ang suspek at bumili pa ng milk tea ngunit nang kanyang ibigay ang order nito ay naglabas na ng patalim, nagdeklara ng holdap at tinakot na papatayin siya.

Matagumpay na natangay ng holdaper ang P15,000 kita ng milk tea store at cellular phone ni Calalang. Tumakas ang suspek sa isang makitid na eskinita tungo sa PNR Compound hanggang sa maglaho.

Rumesponde naman ang mga pulis sa lugar na katapat lang ng kanilang istasyon ngunit bigo na masakote ang suspek.  Sa pag-iimbestiga, nakilala ang suspek na si Sherwin Mamaril, alyas “Pong”, na pinaghahanap na ngayon ng mga otoridad.

Show comments