Hinatak na truck ninakawan, towing service inireklamo

MANILA, Philippines - Inireklamo ng isang truck driver ang tauhan ng PMA towing services ng Manila City Hall, makaraang mahuli ito sa aktong ibinebenta ang  mga ninakaw  na tools sa kanyang truck na  naka-impound, kama­kalawa ng gabi sa Malate,Manila.

Nagtungo sa MPD-Malate Police Station 9, si  Elixir Beltran Jr., 27, truck driver, ng San Miguel Bulacan, upang ireklamo si Marvin Morano, na umano’y empleyado ng PMA Truck Towing Service at residente ng  Pandacan, Manila.

Ayon kay Beltran, tutubusin niya  ang truck nang abutan sa impounding area na nasa  panulukan ng Osmeña Highway at San Andres St. sa Malate na  sira na  ang safety box nito at  wala na ang mga tools na nasa loob.

Minabuti niyang magtanong subalit laking­ gulat na lamang niya nang makitang  ibinebenta ng suspek sa murang halaga ang mga tools. Agad na  humingi ng saklolo sa pulisya ang biktima bagama’t todo tanggi naman ang suspect sa paratang sa kanya.

Nabatid na nagiging modus operandi na ng nasabing towing services ang  umano’y pagkuha ng mga gamit ng mga nakaimpound na sasakyan.

Show comments