Hindi pinatahimik ng konsensiya mister na pumatay sa misis, nag-suicide

MANILA, Philippines – Kurot ng konsensya ang dahilan kaya winakasan ng isang 50-anyos na mister ang sariling buhay nang laslasin ang sariling pulso  sa ginawang pagpaslang sa sariling misis, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Hindi na umabot ng buhay sa Tala Hospital nang ma­ubusan ng dugo ang biktimang si Armando Deocariza, walang trabaho, tubong Sorsogon, at nanunuluyan sa Camia Street, Malaria, Tala, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Caloocan City Police,  dakong alas-9:00 ng gabi nang madiskubre ng pamangkin na si Jayson Alvarado ang duguang tiyuhin. Naalimpungatan umano siya sa pagtulog at nang buksan ang ilaw ay nakita ang kundisyon ng tiyuhin na umaagos ang dugo habang katabi ang isang labaha.

Dakong alas-10:25 ng gabi nang ideklara ng mga manggagamot na wala nang buhay ang biktima.

Nabatid naman sa anak ng biktima na si Archie Deocariza na nagawang mapatay ng ama ang kanyang ina noong nakaraang Agosto sa kanilang bahay sa Lupi, Camarines Sur.  Tinangka rin nitong magpakamatay ng naturang araw  nang saksakin ang sarili ngunit nagawang makaligtas nito sa kamatayan.

Nabatid din na dalawang araw pa lamang nakakaluwas sa Caloocan City ang biktima ngunit patuloy pa ring binabagabag ng kanyang konsensya.

Show comments