Ina, 3 anak tupok sa sunog

Makikita  sa kaliwa ang pagliyab ng apoy noong Sabado ng gabi na tumupok  sa abandonadong gusali at ikinasawi ng mag-iinang Sudiam habang sa kanang larawan ay binisita kahapon  ni Manila Vice Mayor Isko Moreno ang mga nasunugan at binigyan ng ayuda. (Kuha nina Bening Batuigas at Edd Gumban)

MANILA, Philippines – Natupok sa sunog ang   isang ginang  at tatlo pa nitong anak matapos na sumiklab ang apoy sa isang  abandonadong gusali na tumagal ng  dalawang araw sa Binondo, Maynila.

Kinilala ang mga nasawi na sina Mary Grace Sudiam, 40 at mga anak na sina Peter Geraro, 5; Gerald Mark, 3 at Gearaldine, 1.

Nilalapatan naman ng lunas ang mga biktimang sina Violeta Acleta, 65, na nahirapang huminga dahil sa usok at nerbiyos; Mary Rose Reyes, 34, na nagtamo ng second degree burn; Carli­to Guevarra, 41, na nahiwa sa kaliwang binti at Solito Blanca, 32, na may second degree burn sa palad.

Batay sa report  kay desk officer FO3 Oliver Sison,  ng Manila Fire Bureau-Binondo,   nagsimula ang apoy  sa ikatlong palapag ng abandonadong gusali sa panulukan ng Muelle dela Industria at Valderama sts., Binondo, dakong alas-10:56 ng gabi ng Nobyembre 1 hanggang sa kahapon lamang ng  ala-1:26 idinekla­rang fireout  ng mga bumbero.

Tinatayang nasa P500,000 halaga ng ari-arian ang naabo.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ni SFO3 Edilberto Cruz, ng MFB Arson  Division,  para matukoy kung ano ang tunay na sanhi ng sunog.

Nabatid na pumapasada umano ng pedicab ang amang si Gerardo, Sr., nang malaman na nasusunog ang kanilang lugar kaya siya napauwi ng bahay subalit hindi na naisalba ang pamilya na nakita na lamang na magkayap ang mga bangkay ng dalawa sa 3 anak.

Samantala, personal na  nagtungo kahapon sa lugar si Manila Vice Mayor  Isko Moreno  upang damayan at bigyan ng  ayuda ang  mga nasunugan partikular  sa naulilang si Gerardo, Sr.

Ayon kay Moreno, trauma  kay Gerardo, Sr. ang nangyaring pagkaubos ng kanyang pamilya sa sunog kaya’t titiyakin nilang malalabanan ang sitwasyon.

Bukod sa construction materials, bibigyan  din ang mga  nasunugan ng financial assistance.

Show comments