MANILA, Philippines – Ibaba ang crime rate ng Maynila. Ito naman ang hamon ni Manila Mayor Joseph Estrada kay bagong Acting Manila Police District (MPD) Director, Sr. Supt. Rolando Nana matapos na masibak sa puwesto si Chief Supt. Rolando Asuncion bunsod na rin ng mataas na crime rate sa lungsod.
Ayon kay Estrada, bagama’t tiwala siya kay Nana na kaya nitong ibaba ang crime rate ng Maynila, hindi naman umano dapat na magkaroon ng mga fall guy na suspect.
Subalit ayon kay Estrada, nagpapasalamat pa rin siya sa panunungkulan ni Asuncion sa MPD kung kaya’t umaasa naman siya kay Nana na pag-iibayuhin pa niya ang marangal at maayos na sistema sa pagpapatupad ng peace and order.
Giit ni Estrada, umaasa din siyang maibabalik ni Nana ang karangalan ng MPD na nanalong best district noong nakaraang taon.
Ayon naman sa mga opisyal sa MPD at city hall, bahagyang nawala ang respeto ng mga pulis sa panunungkulan ni Asuncion at low moral ang mga ito dahil mas takot ang namamayani sa kanila sa pagpapatupad ng batas.
Paliwanag ng opisyal sa MPD at city hall na mas magandang respeto ang manaig sa pagitan ng mga pulis at MPD officials dahil mas tumataas ang moral ng mga pulis.
Matatandaang mismong si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang nagpahayag ng kanyang pagkadismaya sa mataas na crime rate report ng mga police district.