Mag-lover itinumba sa bahay

Sinusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operations (SOCO) ang mga labi ng mag-lover matapos itong ratratin ng di-kilalang lalaki sa loob ng kanilang bahay sa Sampaloc, Maynila. (Mga kuha ni ERNIE PEÑAREDONDO)

MANILA, Philippines - Napatay ang mag-lover matapos ratratin ng di-kilalang gunman habang natu­tulog sa kanilng bahay sa Sampaloc, Maynila kahapon ng madaling araw.

Kinilala ng pulisya ang magka-live-in na sina Ronualdo Batuto, 35, secretary sa isang pribadong kompanya; at  Niña Dela Cruz y Ramos, 31, kapwa nakatira sa #503 Gero­nimo Street sa na­sabing lugar.

Sa pagsusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operations (SOCO), si  Ba­tuto ay nagtamo ng mga tama ng bala sa dibdib, kaliwang hita at kaliwang balikat habang si Dela Cruz naman ay nagtamo ng mga tama ng bala sa dibdib, kanang hita.

Nakaligtas naman ang anak ng dalawa na si Aaron kung saan lingid sa kanya ay patay na ang kanyang mga magulang dahil tulog ito nang maganap ang krimen.

Sa ulat ni PO2 Dennis Turla, ang dalawa ay dinatnan na lamang ng mga tauhan ng MPD-station 4 na nakahandusay malapit sa pintuan ng kanilang kuwarto.

Wala namang nakitang winasak ang pintuan ng bahay kung saan pinaniniwalaang pinapasok pa ng mag-asawa ang killer sa kanilang bahay saka naganap ang pamamaril.

Sa pahayag ng ilang testigo, isang lalaki na nakasuot bull cap, itim na  jacket at naka-tsinelas ang namataang tumatakbo palayo ng bahay ng dalawa saka sumakay sa puting kotse na hindi naman naplakahan.

Narekober sa crime scene ang 3-cellphone at ilang identification card (ID) ng mga biktima  habang patuloy naman ang imbes­tigasyon.

 

Show comments