Nanay ni Cherry Pie Picache, kinatay

MANILA, Philippines - Natagpuang patay sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan at palo sa ulo ang  nanay ng award-winning actress na si  Cherry Pie Picache sa loob ng kan­yang bahay sa Brgy. Paligsahan, Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Ze­naida Sison, 75, balo, ng  Scout Lascano St., Brgy.Palig­sahan, QC.

Ayon sa ulat ni PO3 Erison Isidro ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), natagpuan ang bangkay ng biktima sa ikalawang palapag ng bahay nito sa Scout Lascano  sa lungsod dakong alas-6:00 ng gabi. 

Sinabi ni Cherry Pie Picache na noong Biyernes ng hapon tinatawagan niya ang kanyang ina sa tele­pono subalit hindi umano ito sumasagot.

Nagpasya nang puntahan ng aktres ang ina sa bahay kasama ang driver nito na si Mateo Maco. 

Nabatid na hindi rin sila binuksan ng pinto ng kanyang ina dahilan para ak­yatin ng driver ang bakod at saka puwersahan namang buksan ang main door ng mismong bahay.

Nang akyatin nila ang ikalawang palapag ng bahay­ ay doon nila natagpuan ang nakahandusay na biktima na may pasak pa ng tela sa bibig.

Ayon kay Chief Ins­pector Rodel Marcelo, QCPD-CIDU chief  na bukod sa mga saksak sa ka­tawan, nakitaan ding pinalo ng ma­tigas na bagay sa ulo ang biktima.

Sa kasalukuyan, pagnanakaw ang sinisilip na motibo sa krimen makaraang matuklasang nawawala ang ilang alahas ng biktima.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito.

 

Show comments