‘Ipit taxi gang’ umiskor na naman

MANILA, Philippines - Umiskor na naman ang mga kilabot na ‘ipit taxi gang’ makaraang tutukan ng baril at holdapin ang isang ginang na pasahero sa Mandaluyong City, kamakalawa ng gabi.

Ang biktima ay kinilalang si Maricris Cortes, 31, nakatira sa South Cembo, Makati City.

Ayon sa ginang, tatlong miyembro ng ‘ipit taxi gang’ na kinabibilangan mismo ng driver ng taxi ang bumiktima sa kanya.

Aniya, dakong alas-8:10 ng gabi nang sumakay siya ng taxi sa Sapphire Avenue, Ortigas Center, Pasig City para magpahatid sa Makati City.

Habang tumatakbo ang taxi sa kahabaan ng EDSA na sakop ng Brgy. Highway Hills sa Mandaluyong ay bigla na lamang huminto sa gilid ng kalsada.

Pagkahinto ng taxi ay biglang sumakay ang dalawa pang suspek na armado ng baril saka pinagitnaan o ‘inipit’ ang biktima at nagdeklara ng holdap.

Sapilitang tinangay ng mga suspek ang Samsung Note 3 na nagkakahalaga ng P35,000, apat na pirasong gintong singsing na nagkakahalaga ng P50,000, gintong hikaw, kuwintas, relo, pera, ATM at iba pang kagamitan.

Sinabi pa ng biktima na hindi niya nakuha ang plaka ng taxi dahil tinakpan umano ito ng mga suspek.

Kumbinsido rin ang biktima na kasabwat ang driver ng taxi kaya pinag-iingat nito ang iba pang pasahero ng taxi.

 

Show comments