Tubig sa Marikina River, tumaas

Sila ay kabilang sa may 800 pamilya na naninirahan malapit sa Marikina River sa Marikina City  na nagsilikas kamakalawa matapos na tumaas sa critical level ang tubig dito na naitala sa 17.5 meters kaya itinaas na ito sa ikatlong alarma. Ito ay sanhi pa rin ng bagyong Luis na nanalanta sa bansa. (Kuha ni Walter Bollozos)

MANILA, Philippines - Naalarma at kaagad na nagsilikas ang ilang residente ng Marikina City ma­tapos na tumaas ang antas ng tubig sa Marikina River kahapon ng madaling-araw dahil sa ma­lakas na pag-ulan na dulot ng pananalasa ng bagyong Luis.

Ayon sa Marikina Public Information Office, dakong alas-4:55 ng madaling-araw nang umabot sa 17.5 metro ang lebel ng tubig sa ilog, na malapit na sa spilling level na 18 metro, kaya’t itinaas na ang ikatlong alarma.

Dahil dito, ilang residente na ang kusang nagsilikas upang makaiwas sa dis­grasya sakaling tumaas pa ang tubig sa ilog.

Ngunit nang tumigil ang pag-ulan dahil sa unti-unti nang paglabas sa bansa ng bagyo ay unti-unti na rin namang bumaba ang antas ng tubig.

Pagsapit ng alas-11:00 ng umaga ay ibinaba na sa ikalawang antas ang alerto sa ilog matapos humupa sa 16.4 metro ang water level.

Dakong ala-1:55 ng hapon naman nang ianunsiyo ng Marikina PIO ang pagbaba pa ng tubig sa 15.5 metro ngunit anim pa sa walong flood gates ng Rosario Weir ng Manggahan Floodway ang nanatiling bukas.

Inaasahan namang dahil sa pagtigil ng ulan ay lalo pang bababa ang antas ng tubig at magsisibalikan na sa kani-kanilang tahanan ang mga nagsilikas na residente.

Show comments