7 volcanic quakes naitala sa Taal

MANILA, Philippines - Nagtala ng pitong volcanic quakes ang Taal Volcano sa Batangas habang isang pagbagsak ng bato naman ang nangyari sa Mayon sa Albay sa loob ng 24 oras.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nagkaroon ng pagtaas ng temperature ng tubig sa silangang bahagi ng bunganga ng lawa ng Taal noong Aug. 21.

Pero sa kabila ng nasabing aktibidad, nanatili pa rin anya sa Alert Level 1 ang Taal Volcano, ibig sabihin walang napi­pintong mapanganib na pagsabog.

Pinaaalalahanan din ng Phivolcs ang publiko na “strictly off-limits” pa rin ang bahagi ng main crater dahil may posibilidad na magkaroon ng biglaang steam explosions na magbubuga ng toxic gases.

Sabi pa ng kagawaran, ang buong isla ng bulkan ay isang permanent da­n­ger zone at hindi kaaya-aya para permanenteng tirahan ng mga tao.

Samantala, nakapagtala ng isang rockfall ang Mayon na mayroong katamtamang paglabas ng puting singaw na natatangay sa agos sa direksyon ng hilagang silangan.

Napag-alaman din na ang Mayon ay nagkakaroon ng “increased volcanic gas emission dahil sa panghihimasok ng magma na posibleng magkakaroon ng napakalaking pagsabog”. Nasa Alert Level 2 ang status ng Ma­yon.

Show comments