MMDA, LGU, hindi maniningil ng daang-libo sa traffic violation

MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi kasama ang kanilang mga traffic enforcers sa inilabas na “Joint Administrative Order (JAO)” ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO)”.

Sinabi ni Atty. Emerson Carlos, assistant general ma­nager for operations ng MMDA, na tanging mga traffic enforcers lamang ng LTO at LTFRB ang sakop ng JAO at sila lamang ang maniningil ng napakamahal na multa sa mga traffic violators.

Nangangahulugan ito na ang multang sisingilin pa rin ng kanilang mga traffic enforcers ay base sa umiiral na batas-trapiko na ipinasa at ipinatutupad ng Metro Manila Council (MMC). Ito rin umano ang susundin na halaga ng multa ng mga traffic enforcers ng mga lokal na pamahalaan na bumubuo sa MMC.

Sa ilalim ng inilabas na JAO ng LTFRB, pagmumul­tahin ng P200,000 ang mga “truck for hire” na walang prang­kisa, habang ang ibang behikulo na mahuhuling kolorum ay maaaring mapatawan ng hanggang P1 milyong multa.

Sa mga operasyon naman na magtutulungan ang MMDA, LTO at LTFRB, ang ipatutupad na multa sa mga mahu­huling lumalabag sa batas-trapiko ay ibabase sa isinasaad ng JAO.  Ang tanging partisipasyon lamang umano ng MMDA sa mga “joint operations” ay ang pagtulong o “assistance” sa LTO at LTFRB.

Inihayag ito ng MMDA makaraang opisyal na magtapos na nitong Agosto 15 ang palugit sa pagsasampa ng aplikasyon para sa “provisional authority” ng mga trak at inumpisahan na ang panghuhuli nitong nakaraang Sabado.

Samantala, bubuksan ngayong Lunes, alas-5 ng umaga ang Magallanes Interchange partikular sa mga behikulong galing sa Osmeña Highway tungo sa South Luzon Expressway (SLEX). Paalala nito, tanging mga maliliit na behikulo lamang ang pararaanin sa kinukumpuning flyover at bawal pa rin ang mga trak. 

Show comments