Lalaki patay sa pamamaril

MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaki makaraang barilin ng hindi nakikilalang salarin sa isang barangay sa lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.

Ayon kay PO2 Julius Balbuena, may-hawak ng kaso, inilarawan ang biktima na nasa pagitan ng 25-30, may kapayatan ang pangangatawan, Moreno, may taas na 5’7, walang damit pang-itaas, at nakasuong ng short pants.

Nangyari ang insidente  sa may  Libyan St., Salaam mosque compound, Brgy, Culiat, sa lungsod, ganap na ala-1:50 ng madaling-araw.

Sabi ni SPO1 Adi Hassan, nasa loob siya ng kanyang bahay  nang makarinig ng mga putok ng baril mula sa labas.

Agad na lumabas ng kanyang bahay si Hassan at tinignan ang pinanggali­ngan ng putok, kung saan bumulaga sa kanyang harapan ang walang buhay na katawan ng biktima habang naliligo sa sarili nitong dugo.

Mabilis na ipinagbigay alam ni Hassan ang insi­dente sa kanyang mga kabaro para sa pagsisiyasat.

Narekober ng otoridad sa crime scene ang dalawang piraso ng basyo ng bala ng kalibre .9mm, habang nagtamo naman ng mga tama ng bala sa kanyang katawan ang biktima.

Show comments