Pulis na holdaper, timbog

MANILA, Philippines - Nahulog na rin sa kamay ng mga awtoridad ang holdaper na pulis at tinaguriang most wanted cop na sangkot sa serye ng panghoholdap sa mga dayuhan sa Ermita, Maynila kamakalawa ng gabi.

Nakadetine ngayon ang suspek na si PO1 Reggie Dominguez, dating nakatalaga sa Manila Police District (MPD)-Station 9 .

Ayon kay Chief Insp Arsenio Riparip, hepe ng Manila Police District (MPD)-General Assignment Section (GAS) naaresto ang suspek sa pagitan ng alas-6:00-8:00 ng gabi sa bahay ng kanyang kinakasama sa Paz St., Paco, Maynila ng mga miyembro ng Special Action Force (SAF).

Nabatid na may limang standing warrant of arrest si Dominguez kaugnay sa mga isinampang reklamo laban sa kanya ng kanyang mga nabiktima. Huling biktima umano ni Dominguez ay isang hapon na natangayan niya ng P1.8 mil­yon matapos sitahin at kunin ang dalang bag kamakailan.

Isa rin umano sa naging biktima ni Dominguez ay ang American national na si Adam Miller, 54 noong Mayo 17 kung saan natangay niya ang $4,000 dolyar nakalagay sa pitaka ng biktima.

Show comments