Hostage drama sa San Juan 2 patay

MANILA, Philippines - Bigo ang mga awtoridad na maiwasang may dumanak na dugo sa isang hostage drama sa lungsod ng San Juan na nagsimula pa kagabi.

Patay sa insidente ang hostage taker na si Charliemaine Aton, 35, isang security guard at kanyang bihag na si Atty. Solomon Condonuevo, 67.

Nagsimula ang hostage drama bandang ala-7 ng gabi kagabi nang biglang tutukan ng baril ni Aton si Condonuevo sa loob ng isang gusali sa bahagi ng N. Domingo.

Dumating sa eksena ang pinsan ng suspek kaninang bandang 7:30 ng umaga at kinumbinsi si Aton na sumuko na sa mga awtoridad.

Binaril sa ulo ng suspek ang biktima matapos makitang maraming tao na ang nakapalibot sa kanila.

Ito ang naging hudyat ng mga awtoridad na lusubin na si Aton ngunit sa kasamaang palad ay nagbaril na ito sa kanyang sarili.

Naisugod pa sa San Juan Medical Center si Condonuevo ngunit bandang alas-8 ay binawian din ito ng buhay.

Hinala ng mga awtoridad ay wala sa sarili ang suspek matapos hilingin sa kanila na makausap si United States President Barrack Obama, Pangulong Benigno Aquino III at ang kanyang dating kasintahan.
 

Show comments