Race car driver itinumba sa QC

MANILA, Philippines - Tapos na ang karera sa buhay ng isang race car driver matapos tambangan ng armadong kalalakihang sakay ng motorsiklo sa lungsod ng Quezon kagabi.

Tama ng bala sa ulo at leeg ang kumitil sa 32-anyos na si Enzo Ferdinand Pastor, habang nakaligtas naman ang kanyang kasamang si Paolo Salazar na tinamaan sa tagiliran.

Sakay ng truck sina Pastor dala ang sasakyang gagamitin sa huling leg ng Asia V8 race championship sa Pampanga nang pagbabarilin sila ng mga suspek sa panulukan ng Congressional at Visayas avenue.

Isinantabi na ng mga pulis ang anggulong pagnanakaw sa motibo ng pananambang dahil wala namang nawalang gamit ang mga biktima.

Inaalam pa rin ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng krimen.

Si Pastor ang kauna-unahang Pinoy na nakatanggap ng All-Star Award ng Night of Champions mula sa National Association for Stock Car Auto Racing noong Disyembre 2013 sa North Carolina, USA.
 

Show comments