Totoy nalunod sa pool

MANILA, Philippines - Isang batang lalaki ang patay makaraan umanong malunod habang naliligo sa isang resort sa lungsod Quezon, iniulat kahapon

Dakong alas-10  ng umaga­ noong Lunes nang  malunod ang biktimang si Mark Justin Salute, 11, estudyante, at residente ng #99 Sanyo Rd. Quezon City sa Remedios Resort sa no. 19 Katipunan Ave. Brgy. Bagbag, sa lungsod.

Ayon sa ulat,  kasama ng biktima ang kanyang pamilya na magpunta sa nasabing resort para mag-swimming. Subalit, ilang oras ang lumipas, bigla na lamang umanong nakarinig si Melinda, ina ng biktima ng  sigaw na humihingi ng  tulong. 

Nang lingunin ni Melinda ang pinanggalingan ng sigaw ay nakita niya ang kanyang anak na sinisikap na buhayin ng isang bisita ng resort.

Agad namang sumaklolo ang life guard ng resort na si Raul Paguie at kasama ang mga kaanak ay agad na dinala ang biktima sa Bernardino General Hospital, ngunit dineklara din itong dead-on-arrival bandang 11:04 ng umaga.

Patuloy ang imbesti­gasyon ng otoridad sa nasabing insidente. (Ricky T. Tulipat with Vanessa May Linsangan)

 

Show comments