Grade 5 pupil, sapol sa pulis vs tandem

MANILA, Philippines - Isang grade 5 pupil ang nasa kritikal na kondisyon makaraang tamaan ng ligaw na bala sa engkuwentrong naganap sa pagitan ng riding-in-tandem na suspects at pulis kahapon ng umaga sa Navotas City.

 Nag-ugat ang insidente makaraang isa umanong  dating police asset ang barilin ng riding-in-tandem hanggang sa mapatay.

Dead-on-the-spot sanhi ng mga tama ng bala sa katawan si Aldrin Alcantara, 28, ng Langaray St., Caloocan City.

Habang ang na­damay na paslit na nasa kritikal na kon­disyon makaraang tamaan sa noo ay nakilalang si Eric Medenilla, 11, ng Brgy. North Bay Boulevard South ng nabanggit na lungsod.

Batay sa ulat ng Navotas City Police,  naganap ang insidente alas-10:15 ng uma­ga habang nakaupo sa harap ng Dagat-Dagatan Elementary School sa Maya-Maya St., Brgy. North Bay Boulevard South ang nasawing si Alcantara upang sunduin ang apat na taon gulang na anak sa dating kinakasama nang biglang dumating ang mga suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ito.

Nasaksihan naman ni PO3 Leonardo Merlin ng CIDG, Camp Crame na nakatira sa na­sabing lugar ang pangyayari na naging dahilan upang barilin nito ang mga suspek hanggang sa makipagpalitan ang mga ito ng putok.

Nagawang makatakas ng mga suspek sakay ng motorsiklo na hindi nakuha ang plaka habang minalas na mahagip ng ligaw na bala ang paslit na noon ay bumibili lamang  sa tindahan­.

Ayon sa impormas­yong natanggap ng Navotas City Police, dating asset ng mga pulis ang nasawi.

Ito na ang ikalawang pagkakataon sa linggong ito na inosenteng sibilyan ang nadamay dahil sa ligaw na bala.

Kamakailan lamang, isang lola ang nasawi sa isang terminal ng bus matapos  na maki­pag-engkuwentro rin ang isang kawatan sa mga awtoridad.

 

Show comments