Riot ng gang: 13-anyos sugatan

MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ang isang 13-anyos na batang lalaki matapos na aksidenteng maputukan ito ng dalang sumpak nang lusubin ito ng kalaban nitong grupo sa Malabon City, kahapon ng madaling-araw.

Inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng mga tama ng shrapnel sa kanang kamay si Kenneth Leyona, ng Area 3, Brgy. Longos ng naturang  lungsod.

Batay sa ulat ng Malabon City Police, naganap ang insidente  ala-1 ng madaling araw habang  kasama ng biktima ang tropa nito sa New Market sa nasabing lugar nang biglang lusubin ng mga kalaban na taga-Caloocan City.

Sinunggaban ng biktima ang dalang sumpak subalit aksidenteng pumutok na naging­ dahilan upang tamaan ito sa kamay.

Agad na dinala sa naturang ospital ang biktima habang nagpulasan na ang magkalabang grupo.

Show comments