Kasambahay tupok sa sunog

MANILA, Philippines - Halos maabo na ang bangkay ng  isang 25-anyos na kasambahay  sa halos isang oras na sunog na naganap sa Makati City kahapon ng madaling araw.

Halos hindi  makilala  ang bangkay ng biktimang si   Christine Zia nang matagpuan ito sa naabong bahay sa  Agot Compound, panulukan ng Gen. Jacinto at Gen. Luna Sts., Brgy.  South Cembo ng naturang lungsod  pasado alas-5:00  ng umaga.

Samantala, pitong pamilya rin ang nawalan ng tirahan sa naganap na sunog.

Ayon kay Makati City Arson Investigation chief, Senior Inspector Tito Purgatoryo, nagsimulang sumiklab ang apoy  alas-3:24 ng madaling araw at mabilis na kumalat sa mga katabing kabahayan.

Sinabi ni  Purgatoryo na nakalabas na sa nasusunog na bahay ang biktima, subalit muli itong bumalik sa tindahan na pag-aari ng kanyang among si Joseph Pabula upang kunin ang iba pa niyang gamit hanggang ma-trap ito  sa loob.

Sa inisyal na pagsisiyasat lumalabas na ang sunog ay sumiklab dahil sa nag-over heat na wall fan.

Tinatayang aabot sa may P3 milyong halaga  ng mga ari-arian ang naabo sa naturang sunog.

 

Show comments