Wanted na trader tugis

MANILA, Philippines - Tinutugis ngayon ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group –National Capital Region (PNP-CIDG-NCR) ang isang wanted na prominenteng negosyante kaugnay ng  kasong indirect contempt kasunod ng ipinalabas na warrant of arrest ni Presiding Judge Manuel Sta. Cruz Jr., ng Branch 226 ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) laban sa nalalabi pang suspect na si Anna Melinda Marcelo-Revilla.

Nabatid na ipinalabas ng korte ang warrant of arrest base  naman ng kasong isinampa ni Jose Marcelo Jr., Regular Administrator ng mga ari-arian kabilang na ang malalaking kor­porasyon ni Jose P. Marcelo, Sr.

Ang kampo ni Marcelo Jr. ay dumulog sa tanggapan ni PNP-CIDG-NCR P/Sr. Supt . Roberto Fajardo sa Camp Crame upang mapalakas pa ang pagtugis laban kay Revilla.

Samantalang nakatakda ring hilingin  ng mga ito sa Justice Department at Bureau of Immigration and Deportation (BID) ang pagpapalabas ng ‘hold departure order ‘ laban sa nasabing negosyante sa pangambang tumakas ito palabas ng bansa. Bukod dito ay ikinokonsidera na rin ng pamilya ng batang Marcelo ang pagpapalabas ng reward para sa agarang ikada­rakip ni Revilla .

Una ng nasakote ang iba pang kasamahan ni Revilla sa asunto na sina Danilo Ibay, John Steven Marcelo, Celedonio Escano Jr. at Constanctio Francisco sa serye ng operasyon noong Pebrero 17 sa Ayala , Alabang at Quezon City.

Nabatid na ang kaso ay nag-ugat sa pagtanggi ng mga respondents na i-turnover kay Marcelo Jr., ang lahat ng mga dokumento para sa inventory sa ari-arian ni Marcelo, Sr. kabilang na ang mga pag-aari nitong real estate.

Sa tala ng korte noong Disyembre 31, 1991  ay itinalaga ng korte si Edward Marcelo, ama ni Revilla bilang regular administrator na inaprubahan naman ng korte noong Pebrero 16, 2001. Nang mamatay si Edward noong Enero 6, 2010 ay itinalaga naman si Marcelo, Jr. bilang regular administrator  ng mga ari-arian ng kaniyang ama na may kapangyarihang magsagawa ng mga inventory sa mga ari-arian nito na nasa pangangalaga ni Revilla at Ibay bilang President at Chief Executive Officer ng Marcelo Group of Corporations.

Samantalang humantong sa hukuman ang kaso matapos na magmatigas ang mga kinauukulan na i-turnover ang lahat ng shares of stocks at Transfer Certificates of Title (TCT ) gayundin ng mga kinauukulang dokumento ng mga ari-arian ni Marcelo Sr.

 

Show comments