Taiwanese sugatan sa holdap

MANILA, Philippines - Sugatan ang isang estudyanteng Taiwanese nang pagtulungang saksakin  ng dalawang babae na umano ay humoldap sa una sa  Quiapo, Maynila kamakalawa ng  gabi.

Kinilala ang biktima na si Lin Yu Yuan, 26, lalaki,  estud­yante ng Far Eastern University at residente ng Banawe St., Quezon City, na nasa ligtas na ngayong kalagayan.

Sa report ng  pulisya,  alas-9:30 ng gabi,  bibili umano ng tikoy ang biktima sa nasabing lugar nang maramdaman ang kamay ng isang babae na kumakapa sa kanyang wallet.

Pumalag umano ang biktima at nang mahawakan ang kamay ng suspek at akmang sasapakin subalit bago pa man siya makaporma ay  sinaksak na umano ang una sa dibdib ng isa pang babae na hinihinalang kasamahan din ng unang suspek.

Maliban sa dalawang suspek na babae,  isa rin umanong lalaki na kasamahan  ng mga babaeng kawatan ang  tumulong sa mga bebot sa pagtakas, habang isinugod naman ng ilang saksi ang sugatang biktima.

Tiniyak ng biktima na makikilala niya ang  mga suspek sa sandaling makita niya ang mga ito.

 

Show comments