Vendor nag-amok: 1 patay, 5 sugatan

MANILA, Philippines - Isang vendor ang patay, habang lima pa ang sugatan kabilang ang 3-taong gulang na bata nang bigla silang pagsasaksakin ng isa nilang kabaro habang natutulog sa lungsod Quezon, kahapon.

Nasawi dahil sa tama ng saksak sa sikmura ang biktimang si Virgilio Himagan, 25 habang su­gatan naman sina Romeo Aclo, 22; Vic­ to­rio Quiaon, 19; Richard Mabasa, 25; Raymond Villanueva, 20; at John Anthony Labastida, 3.

Pinaghahanap naman ang suspect na nakilalang sa pangalang “Romulo”, na mabilis na tumakas matapos ang krimen.

Sa ulat ni PO2 Rol­dan Cornejo, nangyari ang insidente sa tinuluyan ng mga biktima sa may no. 13 Don Julio Gregorio St., Brgy. Bagbag, Novaliches, sa lungsod, ganap na alas- 5 ng umaga.

Sabi ni Cornejo, ang mga biktima at suspect ay pawang mga tindero ng mani, at magkakasamang nanunuluyan sa naturang bahay.

Ayon kay Melfa Na­vida, natutulog sila ng mga biktima sa loob ng kanilang tinutuluyan nang magising siya sa narinig na komosyon.

Nagulat siya nang makita ang suspect na inuundayan ng saksak ang mga biktimang sina Himagan, Aclo, Quiaon, Mabasa, at Villanueva.

Hindi pa nakuntento, nang makita ng suspect ang batang si Labastida ay dinampot nito ang isang bentilador at hinampas niya ito sa ulo, bago mabilis na tuma­kas sa nasabing lugar.

Agad namang hu­mingi ng saklolo sa kapitbahay si Navida at isinugod ang mga biktima sa Quezon City General Hospital, para magamot, subalit hindi na umabot ng buhay si Himagan.

Sabi ni Navida, wala naman silang alam kung bakit nagwala ang suspect, gayong maayos naman silang nagsasama-sama. Hindi rin anya nagdo-droga ang sus­pect kung kaya’t nagtataka sila kung bakit ito nana­naksak. Patuloy ang im­­bestigasyon ng awto­ridad sa nasabing insidente.

 

Show comments