Fil-Am tumalon mula sa footbridge, kritikal

MANILA, Philippines - Patawirin ang buhay ngayon ng isang Filipino-American  makaraang tumalon buhat sa ibabaw ng footbridge sa Domestic Road, Pasay City, kamakalawa ng umaga.

Kasalukuyang inoobserbahan ngayon sa Pasay City General­ Hospital ang biktimang si Michael Castro Godoy, 26, ng Dina PL Chatsworth, California, USA.  Nagtamo ito ng pinsala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.

Batay sa pahayag ng testigong si Nove Gavin, 26, security guard ng NAIA Terminal 4, nasa checkpoint area siya ng naturang paliparan dakong alas-6:20 ng umaga nang makita niya ang biktima na mistulang tatalon sa footbridge na nasa Domestic Road.

Agad na tumawag ng saklolo si Gavin sa pulisya na rumesponde sa lugar.  Nang makita naman umano ng biktima ang paparating na mga pulis at security guard, bigla na itong tumalon at lumagapak sa kalsada.

Mabilis namang hinarang ng mga pulis ang nagda­ratingang sasakyan upang maiwasan na masagasaan pa ang nakahandusay na biktima.  

Patuloy namang blangko ang pulisya sa motibo ng tangkang pagpapakamatay ni Godoy.  Nakuha sa posesyon nito ang isang wallet na may laman lamang na P4,060 cash, isang ID card, pasaporte, at isang susi.

Agad din namang ipinabatid ng pulisya ang pangyayari sa US Embassy.

Show comments