Kasambahay patay sa malupit na amo

MANILA, Philippines - Humihingi ngayon ng ka­tarungan ang pamilya ng isang 17-anyos na dala­gitang kasambahay maka­raang masawi dahil sa umano’y panggugulpi ng kanyang mga amo sa Mandaluyong City ka­makalawa.

Kahapon nakuha ng kan­yang ina sa Quiogue Funeral Homes ang bangkay ng biktimang si Rochelle Lopez, tubong Daet, Camarines Sur.

Pinaghahanap naman ngayon ng pulisya ang iti­ nuturong among suspect na si Maria Shiela Gomez, ng F1-California Garden Square, Brgy. Highway Hills, ng nasabing lungsod.

Sa ulat ng Mandalu­yong Police-Women’s and Children’s Protection Desk, dumulog kahapon ng umaga ang mga magulang ng biktima na sina Renato at Jocelyn Lopez, kasama ang mga tauhan ng Basud, Camarines Norte Police, at humingi ng tulong upang matunton ang anak na si Rochelle na hinihinalang na­paslang ng amo.

Ayon sa inang si Joce­lyn, tumawag umano sa ka­nila ang amo ng kanyang anak na si Gomez kamakalawa at sinabing puntahan ito sa ospital dahil sa nawalan ng malay at dumudugo ang ilong. Muli umano itong tumawag at sinabing kunin na lamang sa morgue ang bangkay ng biktima.

Sa tulong ng Mandalu­yong Police, natunton ang bangkay ni Rochelle sa na­­ turang punerarya. Nang isailalim sa awtopsiya, lumitaw na nasawi ang biktima sa matinding pinsala sa ulo dulot ng paulit-ulit na pag-untog o pagpukpok ng matigas na bagay.

Nabatid na minsan na rin umanong nagsumbong ang biktima sa kanyang mga kaanak na pinagmamalupitan siya ng amo at ginugulpi kaya nais na nitong umuwi sa kanilang probinsya nga­yong Hulyo.

Show comments