Kotse salpok sa concrete barrier: 5 sugatan

MANILA, Philippines - Lima katao ang nasugatan makaraang sumalpok ang sinasakyan nilang kotse sa concrete barrier sa Zapote Road sa Las Piñas City kahapon ng madaling-araw.

Pawang isinugod sa Perpetual Help Hospital sanhi ng mga tinamong sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktimang si Jaypee Jimenez, 28, driver ng na­wasak na kotse;  asawa nitong si Mylene; mga sakay na sina Jopy Roto, 34;  Josephine Viel, 26;  at Jellive Pagalpal, 26, pawang mga naninirahan sa Brgy. Molino II, Bacoor, Cavite.

Sa imbestigasyon ng Las Piñas City Traffic Enforcement Unit, naganap ang aksidente dakong alas-2:25 ng madaling-araw sa kahabaan ng Zapote Road. Nabatid na lulan ang limang biktima ng Toyota Corolla (PMX-305) galing sa Alabang at patungo ng Cavite nang sumalpok sa concrete barrier sa may Brgy. Pamplona.

Wasak na wasak ang unahan ng sasakyan dahil sa lakas ng pagkakasalpok kung saan nahirapan ang mga rescuers na agad na mailabas ang mga biktima dahil sa pagkakaipit.

Iniimbestigahan naman ngayon ng pulisya kung sadyang nakatulog o nasa impluwensya ng alak ang driver kaya nawalan ng kontrol sa sasakyan.  Maaari rin umano na sadyang hindi kabisado­ ng driver ang kal­sada dahil sa may kadiliman ang naturang lugar ng aksidente.

Show comments