Bebot itinumba sa Taguig

MANILA, Philippines - Isang babae ang pinaslang nang barilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin na hinihinalang sangkot sa operasyon sa iligal na droga sa lungsod ng Taguig, kahapon ng madaling araw.

Naisugod pa sa Taguig-Pateros District Hospital ang biktimang si Cindy Jama, 28,  residente ng Blk 90 Lot 7 Upper Bicutan, subalit nasawi rin habang isinasailalim sa operasyon sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo at  hita.

Batay sa paunang ulat ng Taguig Police, naga­nap ang krimen bago mag-alas-3 ng madaling araw sa Sitio Sagingan, Upper Bicutan. Magkasunod na putok ng baril ang narinig sa lugar bago natagpuan ang bangkay ng biktima na duguan sa kalsada. Kaagad na tumakas ang mga salarin matapos ang ginawang pamamaril bitbit ang ginamit na armas.

Ayon sa mga kapitbahay ng biktima, posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang naturang pamamaslang dahil sa talamak na transaksyon ng mga tulak nito sa kanilang lugar na hindi masawata ng lokal na pulisya.

Show comments