Asido gamit sa holdap: Binata sunog ang mukha

MANILA, Philippines - May bagong modus na naman umano ang mga kawatang holdaper, ito ay ang paggamit ng asido sa kanilang bibiktimahin.

Ito ang nabatid ng pulisya makaraang isang binata ang sinabuyan sa mukha ng asido ng mga kawatan sabay kuha sa dalang bag ng una, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.

Hindi pa makunan ng pahayag dahil sa hindi pa makapagsalita habang ginagamot sa San Juan De Dios Hospital sanhi ng matinding paso sa mukha ang biktimang nakilalang si August Bautista, 29, salesman ng Toyota-Manila Bay, at naninirahan sa Bicutan, Taguig City.

Sa pahayag naman sa Pasay City-Station Investigation and Detective Management Section, sinabi ng kaibigan ni Bautista na si Ritchie Delotina, 33, bank employee, kasama siya ng biktima nang maganap ang krimen dakong alas-2:40 ng hapon sa may Bay Garden Compound sa Metrobank Avenue, EDSA Extension, ng naturang lungsod.

Sinundo umano niya ang kaibigan at magkasabay nang uuwi nang sandali siyang huminto sa gilid ng EDSA upang magkarga ng tubig sa radiator ng kanyang kotse.  Habang nasa labas sila ng sasakyan, isang lalaki na nasa edad 30-anyos, matangkad at nakasuot ng sando at short pants ang lumapit kay Bautista at biglang sinabuyan ito ng asido sa mukha.

Dahil sa matinding hapdi, nabitawan ni Bautista ang hawak na shoulder bag na may laman umanong P60,000 cash, cellular phone, at iba pang personal na gamit saka nagtatakbo papasok sa comfort room ng Toyota showroom upang buhusan ng tubig ang napasong mukha.  Dito na dinampot at tumakas ang suspect patungo sa direksyon ng Roxas Boulevard.

Bukod sa pagnanakaw, tinitignan din ang anggulong  planado rin ang insidente at paghihiganti ang motibo makaraang mabatid na tinangka ring sabuyan ng asido sa mukha ang biktima may apat na buwan na ang nakakalipas sa isang gas station sa may Macapagal Avenue sa Parañaque City.

Show comments