Barker tinubo, utas sa abogado

MANILA, Philippines - Utas ang isang 51-anyos na barker nang pukpukin ng tubo sa ulo ng isang abo­gado, dahil sa kimkim na galit umano kaugnay sa pambabastos sa mga anak at apo ng huli sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Magpapa-medical pa sana sa Ospital ng Sampaloc para sa isasampang reklamo ang biktimang si Joselito Macario, binata, ng Sampaloc, Maynila laban sa suspect na si Atty. Augusto Marte, 67, subalit tuluyan na itong nawalan ng malay at binawian ng buhay habang nasa pagamutan.

Sa ulat ni PO3 Lester Evangelista ng MPD-Homicide Section, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-5:30 hanggang 6:00 ng hapon sa eskinita sa Extremadura St., Sampa­loc habang ang biktima at ilang kaibigan nito ay naki­kipanood ng telebisyon sa isang bahay sa eskinita sa nasabing lugar nang dumaan umano ang  suspect. Ilang minuto lang ay bumalik ito na  may dalang tubo na inihampas sa biktima.

Bagama’t may tama sa ulo, tinangka ng biktima  na lumaban sa suspect  subalit inawat siya ng mga kaibigan kaya nagtungo na lamang siya sa barangay upang ireport ang insidente.

Gayunman, nakaranas ito ng pananakit sa ulo kaya nagtungo siya sa os­pital kung saan siya bu­magsak at tuluyang namatay.

Naaresto naman ang suspect na sinubukang kunan­ ng pahayag pero tumanggi itong magbigay ng paliwanag.

Sa naunang pahayag ng misis ng suspect, galit umano ang kanyang mister sa mga tambay sa lugar dahil­ binabastos ang kanilang mga anak at apong babae.

 

Show comments