Pulis inireklamo ng kanyang misis

MANILA, Philippines - Isa na namang pulis ang nahaharap sa kasong kriminal matapos na ireklamo at ipaaresto ng kanyang misis dahil sa pananakit kahapon sa Quezon City.

Sa ulat ng Quezon City Police District PNP Station 6, si PO3 Jesus Manaois, 35, ng QCPD-Tactical Operation Center ay inaresto base sa sumbong ng kanyang asawang si Aling Maricar (Marichelle Marawis), guro.

Sa salaysay ng biktima kay PO3 Arsenio Carrabeo, team leader ng Follow-up operation, madalas umano siyang saktan ni PO3 Manaois at maging ng kanyang anak sa tuwing ito ay lango sa alak.   

Ang huling insidente ng pananakit sa biktima ay kahapon matapos  umuwing senglot kung saan nagalit ito nang hindi agad pagbuksan ng pintuan ng kanilang bahay. 

Ayon pa sa biktima, may mga pagkakataon pang tinututukan sila ng baril ng suspek sa tuwing nagtatalo kaya nagdesisyon ang misis na magsampa ng reklamo laban sa kanyang mister na pulis.

Nahaharap naman sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Violence Against Women and their Children ang suspek habang ito ay nakapiit.

 

Show comments