Dating ‘tulak’ itinumba

MANILA, Philippines - Isang lalaking sinasabing dating drug pusher ang itinumba ng isang di kilalang suspek habang bumibili ng sigarilyo sa Pasig City kahapon ng umaga.

Ayon kay P/Senior Insp. Rodrigo de Dios, hepe ng Station Investigation and Detection Managament Branch (SIDMB) ng Pasig City Police, ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tumapos sa buhay ni Noel Biduya, 28, residente ng Soriano St., Barangay Sto. Tomas.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 Rusthom Valdez, alas- 9:40 ng umaga sa Villa Monique Phase 1, San Agustin St., Bolante 2, Brgy. Pinagbuhatan ay bumibili umano ng sigarilyo sa isang sari-sari store ang biktima nang lapitan ito ng di kilalang suspek na ang mukha ay nakatakip ng tuwalya at agad na pinagbabaril.

Nang matiyak na patay na ang biktima ay kaswal lamang na naglakad palayo sa lugar ang suspek.

Ayon kay De Dios, may ilang testigo na nagsabi sa kanila na ang biktima ay dati umanong sangkot sa illegal drug transaction kaya’t inaalam ng pulisya kung may kaugnayan ito sa krimen. Naglunsad na ang pulisya ng manhunt laban sa suspek.

 

Show comments