2 tulak-droga, itinumba

MANILA, Philippines - Kapwa may tama ng bala ng baril sa ulo ang dalawang kalalakihan na sinasabing tulak ng bawal na droga na nakasubsob sa putikan nang datnan ng pulisya sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Isa sa dalawang na­patay ay nakilalang si Simon Berioso, Jr., 32, ng Ozamis City, Mizamis Occidental at nakatira sa 1st Avenue  Beverly Hills, Antipolo City, Rizal.

Samantala, walang pagkikilanlan ang isa na may edad na 30 hanggang 35, nakasuot ng checkered t-shirt­, maong pants at naka-tsinelas.

Narekober ang dalawang plastic sachet na shabu, 2 credit cards na may pangalang Simon Berioso Jr.

Sa ulat ni PO3 Julieto Malindog ng Manila Police­ District-Homicide Section, dakong alas-8:25 ng gabi nang makarinig ng sunud-sunod na putok ang isang tindera malapit sa Building 14 at 18, sa Vitas,  Tondo,  Maynila.

Nang usisain ng tindera ang nangyari sa labas­ ay tumambad ang dalawang  lalaki na naka­subsob sa maputik na kanal.

Pinaniniwalaang onsehan sa bentahan ng bawal na droga ang isa sa motibo kaya pinatahimik ang da­lawa habang patuloy naman ang imbestigasyon.

 

Show comments