Takot maaresto, lalaki tumalon sa ilog patay

MANILA, Philippines - Sa halip na magpaaresto, mas pinili pa ng isang lalaki na  tumalon sa Ilog Pasig sa Sta. Ana, Maynila na naging dahilan ng kanyang kamatayan, kahapon ng umaga.

Hinihinalang may ilang oras nang patay ang biktima na si Benedict Soriano, 25, ng Bldg 5 Phase IV, Guadalupe Bliss, Brgy. Pembo, Makati City. Sa report ni Det. Jonathan Bautista ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong alas- 8:20 ng umaga nang natagpuan ang bangkay ng biktima sa Pasig River sa Sta. Ana, Maynila.

Nauna rito, nagkaroon umano ng komprontasyon sa pagitan ng biktima at mga barangay tanod  dahilan upang arestuhin ito. Sa aktong dadalhin ang biktima ng mga tanod ay pumalag ito at lumakad papuntang ilog saka tumalon at nagsalita pa na “hindi ako sasama sa inyo, kayo ang sumama sa akin”.

Mula noon ay hindi na nakita ang biktima hanggang kahapon ng umaga ay natagpuan ang bangkay nito na naka­lutang sa nasabing  lugar. Bagama’t duda si Bautista sa pagka­matay ng biktima, wala na itong nagawa matapos na tumanggi  ang pa­milya nito na  ipa-autopsy ang  bangkay.

“Ibig nilang sabihin nang tumalon yong biktima wala silang ginawa, hindi rin nila sinagip o inireport man  lamang sa pulisya, kaya lang tumanggi ang pamliya nito na paimbes­tigahan ang kaso,” ani Bautista.

Show comments