LRT muling nagkaaberya: Transformer sa depot nasunog

MANILA, Philippines - Bahagyang naparalisa ang operasyon ng Light Rail Transit (LRT) 2 makaraang magkaaberya na naman ito nang ma­sunog ang power supply o transformer ng depot nito sa Santolan, kahapon ng madaling-araw.

Sa ipinadalang report ni Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRT Authority, dakong  ala-1:00 ng madaling-araw nang magkasunog sa naturang power supply at patuloy na inaalam pa ang sanhi nito.

Dahil sa kawalan ng power supply ay hindi naiakyat ang mga tren sa riles ng LRT line 2 dahilan ng pagkaantala ng biyahe ng mga pasahero.          

Ipinaliwanag naman ni Cabrera na bandang alas-7:00 ng umaga ay agad namang nakahanap ng ibang power source ang mga tren upang maibalik agad sa normal ang operasyon nito.

Alas-8:37 ng umaga nang mag-umpisang bumalik ang biyahe sa LRT-2 bagamat iilang tren pa lamang ang na­umpisahang maiakyat.

 

Show comments