Kelot niratrat, dedo sa tandem

MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaki makaraang pagbabarilin ng riding in tandem  sa  Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Richard Piojo, 35, helper ng Republic Avenue, Area 1, Brgy. Holy Spirit.

Agad namang tumakas ang mga salarin sakay ng isang motorsiklo patungo sa hindi mabatid na direksyon.

Nangyari ang insidente sa harap ng Glass and Aluminum Steel works na matatagpuan sa Republic Avenue, Brgy. Holy Spirit ganap na alas-8:30 ng gabi.

Ayon kay Roderick Piojo, kapatid ng biktima, nag-iinuman sila ng anim pang kaibigan sa naturang lugar nang bigla na lamang silang makarinig ng mga putok ng baril.

Dahil dito, nagpasya ang grupo na tingnan ang pinagmulan ng putok kung saan bumulaga sa kanila ang duguang katawan ng biktima.

Sabi pa ni Roderick, sumisigaw pa ng tulong ang kanyang kapatid habang tumatakas papalayo ang mga salarin. Agad ding itinakbo ng grupo ni Roderick ang biktima sa FEU Hospital pero idineklara ring patay.

Sa pagsisiyasat, ang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan na siyang agad na ikinamatay nito.

Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.

Show comments